Du er ikke logget ind
Beskrivelse
Bawat isa ay may istorya ng pag-ibig. Gaano mo man ilayo ang iyong sarili ay kusa kang hahanapin nito. Bubuksan ang iyong isip, papatibokin ang iyong puso o papalayain ang sarili para makamit ang mga ninanais nito.
Ang koleksyon na ito ay mga tulang nagkukwento ng samu't saring emosyon at interpretasyon tungkol sa pagmamahal na hinulma sa mga simpleng talata. Ito ay mga tugma na sumasalamin sa realidad ng pag-ibig na wala itong pinipiling kasarian, oras, lugar at pagkakataon. Bawat buhay na nilalang ay may karapatan itong maramdaman at iparamdam kaninuman.
Hayaan mo itong tangayin ka sa mga pira-pirasong karanasan ng kilig, kalungkutan, pagsusumamo, pagpaparaya at pag-asa na nakapaloob sa pagmamahal sa sarili, sa ibang tao at sa Diyos.
Bawat linya ay may marahan at marubdob na pakahulugan na animo'y bumubulong at sumisigaw para mapakinggan at mapagmuni-munihan sa iyong pag-iisa o sa gitna ng mundong pabago-bago at balisa.
Layunin ng mga karaniwan nitong tugma na mamutawi ito sa iyong mga labi, buhayin ang iyong mga alaala, tuksuin ang iyong pagkahumaling, yakapin ang katotohanan, sundin ang iyong mga pangarap, manahimik sa kasinungalingan, panindigan ang iyong pananalig, magparaya sa nararapat, buhayin ang iyong pantasya, kumapit sa iyong mga baka sakali at magmahal ng hindi natatakot masaktan.
Inaamin ng manunulat na halos lahat ng mga tulang ito ay hango sa kanyang karanasan at naniniwala siya na ilan sa mga ito ay naranasan o mararanasan mo rin.
Isa lang naman ang pag-ibig di ba? Iba-iba lang ang ating mga istorya.